Ramon F. Magsaysay

Si Ramon del Fierro Magsaysay o Ramón “Monching” Magsaysay (Agosto 31, 1907 – Marso 17, 1957) ay ang ikapitong Pangulo ng Republika ng Pilipinas (Disyembre 30, 1953-Marso 17, 1957). Si Magsaysay ay isinilang sa Iba, Zambales noong Agosto 31, 1907 kina Exequiel Magsaysay at Perfecta del Fierro. Nag-aral sa Pamantasan ng Pilipinas at Jose Rizal College. Naglingkod siya bilang tagapamahala ng Try-Tran Motors bago magkadigma. Nang bumagsak ang Bataan inorganisa niya ang “Pwersang Gerilya sa Kanlurang Luzon” at Pinalaya ng pwersang Amerikano at Pilipino ang Zambales noong Enero 26, 1945. Noong 1950, bilang kalihim ng Pagtatanggol kaniyang binuwag ang pamunuan ng mga Hukbalahap. Pinigil niya ang panganib na lilikhain ng pulahang Komunista at naging napakatanyag sa mamamayan. Noong eleksyon ng 1953, tinalo niya si Quirino at naging ikatlong pangulo ng republika. Ang kanyang pangalawang pangulo ay si Carlos P. Garcia.