Ferdinand E. Marcos

Si Ferdinand Emmanuel Edralin Marcos (Setyembre 11, 1917 – Setyembre 28, 1989) ay ang ikasampung Pangulo ng Republika ng Pilipinas (Disyembre 30, 1965-Pebrero 25, 1986). Siya ay isang abugado, kasapi ng Kapulungan ng mga Kinatawan mula 1949 hanggang 1959 at kasapi ng Senado ng Pilipinas mula 1959 hanggang 1965. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, siya ay naging lider-gerilya sa hilagang Luzon. Noong 1963, siya ay naging Pangulo ng Senado kapalit ni Senador Eulogio Rodriguez, Sr.. Bilang Pangulo ng Pilipinas, kahanga-hanga ang kanyang mga nagawa sa larangan ng diplomasya at pagpapagawa ng mga mahahalagang imprastraktura sa bansa. Ngunit, ang tagumpay ng kanyang pangasiwaan ay nabahiran ng talamak na katiwalian, paniniil sa karapatang pantao, at panunupil sa oposisyon. Bumagsak ang kanyang pamunuan sa Rebolusyon sa EDSA na naganap noong 1986.