- Ang alamat ay isang uri ng panitikan na nagkukuwento tungkol sa mga pinagmulan ng mga bagay-bagay sa daigdig. Mga kwento ng mga mahiwagang pangyayari na nagpasalin-salin sa bibig ng mga tao kaya’t walang nagmamay-ari o masasabing may akda nito.
- Ang alamat ay kuwento na kathang isip lamang na kinasasangkutan ng kababalaghan o ‘di pagkaraniwang pangyayari na naganap nuong unang panahon.
- Ang alamat ay karaniwang tumatalakay sa mga katutubong kultura, kaugalian o kapaligiran. Eto ay tumatalakay din sa mga katangiang maganda, tulad ng pagiging matapat, matapang, matulungin, at sa mga katangiang hindi maganda tulad ng pagiging mapaghiganti, masakim, o mapanumpa, Nguni’t sa banding huli ang kuwento ay kinapupulutan ng aral para sa ikabubuti ng iba.
- Ang mga alamat ay nagkakaroon ng iba’t-ibang bersiyon ayon na rin sa hangarin ng
sumulat o nagpalaganap ng ibang bersiyon ng alamat.
Mga Elemento ng Alamat
Ito ay may pitong elemento. Basahin ang mga sumusunod:
- Tauhan
- Ito ang mga nagsiganap sa kwento at kung ano ang papel na ginagampanan ng bawat isa.
- Tagpuan
- Inilalarawan dito ang lugar na pinangyarihan ng mga aksyon at insidente, gayundin ang panahon kung kailan ito nangyari.
- Saglit na kasiglahan
- Ito ay naglalahad ng panandaliang pagtatagpo ng mga tauhang masasangkot sa suliranin.
- Tunggalian
- Ito naman ang bahaging nagsasaad sa pakikitunggali o pakikipagsapalaran ng pangunahing tauhan laban sa mga suliraning kakaharapin na minsan ay sa sarili, sa kapwa, o sa kalikasan.
- Kasukdulan
- Ito ang pinakamadulang bahagi kung saan maaaring makamtan ng pangunahing tauhan ang katuparan o kasawian ng kanyang ipinaglalaban.
- Kakalasan
- Ito ang bahaging nagpapakita ng unti-unting pagbaba ng takbo ng kwento mula sa maigting na pangyayari sa kasukdulan.
- Katapusan
- Ito ang bahaging maglalahad ng magiging resolusyon ng kwento. Maaaring masaya o malungkot, pagkatalo o pagkapanalo.
Mga Bahagi ng Alamat
Dito ay may tatlong mga bahagi: ang Simula, Gitna, at Wakas.
- Simula
- Sa simula inilalarawan ang mga tauhan sa kwento. Sinu-sino ang mga gumaganap sa kwento at ano ang papel na kanilang ginagampanan. Maging ang tagpuan o lugar at panahon ng pinangyayarihan ng insidente ay inilalarawan din sa simula.
- Gitna
- Kabilang sa gitna ang saglit na kasiglahan, tunggalian at kasukdulan ng kwento. Ang saglit na kasiglahan ay naglalahad ng panandaliang pagtatagpo ng mga tauhan. Ang tunggalian ay nagsasaad ng pakikipagtunggali o pakikipagsapalaran ng tauhan. Samantalang ang kasukdulan ay ang bahaging nagsasabi kung nagtagumpay o hindi ang tauhan.
- Wakas
- Kabilang naman sa wakas ang kakalasan at katapusan ng kwento.