in

LOVE CUTE LODI OMG CRY ANGRY LOL

Alamat ng Saging

Unang Bersyon

May isang prinsesang napakaganda; kaya ang tawag sa kanya ay Mariang Maganda. Ang kanyang tahanan ay malapit sa isang maliit na gubat; doo’y maraming magaganda’t mababangong halamang namumulaklak. Araw-araw, ay nagpapasyal ang prinsesa sa gubat na ito. Namimitas siya ng mga bulaklak na katangi-tangi ang ayos. Isang araw, sa kanyang pamamasyal, ay nakatagpo siya ng isang prinsipe. Magandang lalaki ang prinsipeng iyon. Nang makita ni Mariang Maganda ay nakaramdam siya agad ng kakatuwang damdamin. Ang prinsipe naman pala’y gayon din. Kaya agad silang nagkapalagayan at nagkahulihan ng loob.

Araw-araw ay namamasyal sila ng prinsipe, hanggang sa magtapat ng pag-ibig ang prinsipe. Palibhasa’y sadyang may inilalaan nang pagtingin ang prinsesa, hindi na ito nagpaumat-umat at tinanggap ang iniluluhog na pag-ibig ng prinsipe.

Isang hapon matapos silang mamasyal, nag-ulayaw ang dalawa sa lilim ng mabangong halamanan ng prinsesa.

“Mariang Maganda, kay ganda ng mga bulaklak mo, nguni’t ang mga bulaklak doon sa aming kaharian ay higit na magaganda at mababango; walang makakatulad dito sa inyo.”

“Bakit, saan ba ang inyong kaharian?”

“Doon sa dako roon na hindi maaaring marating ng mga taong may katawang-lupa.”

Ilan pang saglit at nagpaalam na ang prinsipe na malungkot na malungkot. Kaya napilitang magtanong si Mariang Maganda. “Mangyari’y…” at hindi na nakuhang magpaliwanag ang prinsipe.

“Mangyari’y ano? Ano ang dahilan?” ang tanong ng prinsesang punung-puno ng agam-agam.

“Dapat an akong umuwi sa amin, kung hindi, hindi na ako makababalik. Ibig ko sanang isama kita, nguni’t hindi maaari, hindi makapapasok doon ang tulad ninyo. Kaya paalam na irog.”

“Bumalik ka mamayang gabi, hihintayin kita sa halamanang ito. Babalik ka ha?”

“Sisikapin ko Mariang Maganda,” ang pangako ng prinsipe. Nang malapit ng maghatinggabi, dumating ang prinsipe. Sinalubong siya ng prinsesang naghihintay sa loob ng hardin. Nag-usap na naman sila ng nag-usap. Kung saan-saan nadako ang kanilang pag-uusap. Hawak-hawak ng prinsesa ang mga kamay ng prinsipe.

Kaginsa-ginsa’y biglang napatindig ang prinsipe. “Kailangang umalis na ako, Mariang Maganda. Maghahatinggabi na, kapag hindi ako lumisan ay hindi na ako makababalik sa amin. Diyan ka na subali’t tandaan mong ikaw rin ang aking iniibig,” at ginawaran ng halik ang mga talulot na labi ni Mariang Maganda.

Pinigilan ng prinsesa ang mga kamay ng prinsipe. Hindi niya mabatang lisanin siya ng kanyang minamahal. Sa kanilang paghahatakan, biglang nawala ang prinsipe at naiwan sa mga palad ng dalaga ang dalawa niyang kamay. Natakot ang prinsesa, kaya patakbong nagtungo sa isang dako ng kanyang halamanan at ibinaon ang mga kamay.

Ilang araw, pagkatapos ay may kakaibang halamang tumubo sa pinagbaunan niya. Malalapad ang mga dahon at walang sanga. Ilan pang araw pagkaraa’y nagbulaklak. Araw-araw, ay dinadalaw ng prinsesa ang kanyang halaman. Makaraan ang ilang araw, ang mga bulaklak ay napalitan ng mga bunga. Parang mga daliring nagkakaagapay. Iyon ang mga unang saging sa daigdig.

Pangalawang Bersyon

May isang dalagang hinahangaan sa angkin niyang kagandahan. Mariang Maganda ang tawag sa kaniya. Siya ay may harding puno ng sariwang halaman. Marami dito ang namumulaklak. May rosal, kamya at santan dito. Mayroon ding sampaguila, eadena de amor at ehampaea. Nakikipagtagisan ng gan(Ja ang dalaga sa bawat bulaklak na dito ay makikita.

Parang kabubukadkad na bulaklak pa lang si Maria. Siya ay batang-bata pa. Bagamat marami nang aali-aligid na nanliligaw ay wala pa siyang mapili isa man.

Kay Maria, hindi mahalaga kung sino ka. Ang tanging basehan niya sa pagsinta ay kung gusto ba niya ang binatang sa kanya ay nagmamahal.

Isang hapong namumupol siya ng mga bulaklak ay may isang makisig na binatang bumaba sa isang karwahe. Natiyak ni Mariang galing sa isang marangal na pamilya ang ginoo. Ipinagtanong ng binata kung saan daw ba makikita ang plaza. Itinuro ni Maria ang tamang daan. Nagpasalamat na may ngiti sa mga labi ang binata. Hindi alam ni Mariang gusto lang palang makipagkilala ng ginoo kaya ito bumaba sa tarangkahan ng hardin nila.

Magmula noon, buwan-buwan nang dumadalaw sa hardin ang binatang nakakarwahe na nagpakilala sa pangalang Aging. Nang makasiguro si Maria sa matapat na saloobin ng binata ay sinagot ito ng dalaga.

Isang hapon ay nagulat si Maria nang humahangos na dumating ang kasintahan.

“Ikinalulungkot ko Mariang sa lalong madaling panahon ay ipagsasama kita sa aming daigdig. Natatakot akong baka hindi ko na matutunan ang daan papunta sa inyong sangkalupaan. Unti-unti nang napapansin ng aking mga kalipi ang lagi kong pagkawala sa aming daigdig.”

Nahintakutan ang dalaga na baka mawala na sa kaniyang paningin ang tanging binatang nakapagpatibok sa puso niya.

Sa sobrang pagkalito ay lalong dumiin ang pagkakakapit ni Maria sa mga kamay ni Aging nang magpapaalam na ito.

Nakaalis at nakaalis ang nagmamadaling binata ay di napansin ng humahagulgol na dalaga na lalong humigpit ang tangan niya sa naputol na mga kamay ni Aging na inaagusan ng sariwang dugo.

Sa matinding takot ay ibinaon ni Maria ang dalawang putol na kamay sa kanyang hardin.

Tulad ng pangamba ni Maria ay di na nga nakabalik pa si Aging. Makalipas ang mga araw ay napansin ng dalaga na may sumibol na halaman sa lugar na kanyang pinagbaunan. Lumaki ang halaman. Naging malusog na puno ito at namunga. Nagtataka si Mariang kahawig ng mga bunga nito ang mga daliri ni Aging. Ilang linggo pa ay sumulpot naman ang animo puso nitong kulay pula sa labis na pagmamahal. Kahit hindi na nakabalik pa ang kasintahan ay masaya na rin si Maria na may panahong isang dakilang mangingibig ang nagmahal sa kanya. Pero tuwing sasagi sa isip ng dalaga ang matagal na pinagsamahan nila ay napapaluha rin ito at sinasambit-sambit ang pangalang Aging…Aging.

Ang pangalang Aging ay naging Saging. Yan ang alamat ng unang saging.

Ikatlong Bersyon

Maraming taon na ang nakalipas nang manirahan ang isang napakabait na matanda dito sa mundo. Ang matandang tinutukoy ay tinatawag nilang Apo Sagin.

Mag-isa man na naninirahan si Apo Sagin sa kanyang maliit na bahay kubo ay itinuring naman na siyang kapamilya ng mga kapitbahay niya. Napamahal sa kanyang mga kapitbahay si Apo Sagin dahil sa ito ay mabait at matulungin. Ang mga kapitbahay nito ay hindi mapapahiya kapag sila ay lalapit sa kanya upang humingi ng tulong. Kahit mahirap lang at matanda na ay binibigay ni Apo Sagin ang lahat ng kanyang makakaya.

Ang mga maliliit na bata ay malapit sa matanda. Itinuring na nila itong kanilang lolo. Sa tuwing hapon ay nagpupunta ang mga bata sa bahay ng matanda upang makinig sa mga kuwento ni Apo. Pagkatapos ay may nakahanda pang pagkain ang mga ito na niluto ng matanda.

Hindi lamang sa mga taong bayan matulungin ang matanda kundi pati na rin sa ibang tao maski hindi niya ito kakilala. Minsan habang nangangahoy siya sa gubat, may lumapit sa kanyang isang lalaki na nanghihina sa gutom. Agad niya itong inuwi sa kanyang bahay at inalagaan hanggang sa bumuti ang pakiramdam ng lalaki.

Noong minsan naman ay isang batang babae ang nanghingi ng limos sa kanya. Dinala niya ito sa bahay niya at ipinaghanda niya ng makakain. Bago umalis ang bata, tinuruan niya itong maghabi ng mga pinatuyong dahon upang gawing pamaypay upang maibenta. Sa ganoon hindi na manglilimos ang bata. Laking pasasalamat ng bata sa matanda. Balang araw ay makakabawi din daw siya sa kabutihang ipinakita sa kanya ng matanda. Napangiti lang si Apo Sagin.

Isang araw, dinapuan ng sakit si Apo Sagin at dahil sa matanda na ito ay masama ang naging tama nito sa kanya. Lubos na nanghina ang matanda. Marami ang dumalaw kay Apo Sagin upang alagaan siya habang may sakit ito. Halinhinan ang kanyang mga kapitbahay sa pagbabantay sa kanya. Maging ang mga batang kanyang kinukwentuhan sa tuwing hapon ay nandoroon at kinukwentuhan ang kanilang mahal na lolo.

Dumating ang oras na naghihingalo na ang matanda. Ang lahat ng taong bayan ay andoon upang makita ang mabait na matanda kahit sa huling pagkakataon man lamang. Mahinang nagpaalam ang matanda at dahan-dahan itong binawian ng buhay.

Nag-iiyakan ang mga taong bayan nang may dumating na isang bata. Ito ang pulubing tinulungan ni Sagin. Siya pala ay isang diwata. Ibinilin niya sa mga tao na ilibing si Sagin sa may bakuran. Huwag na raw silang malungkot dahil si Sagin ay mananatili sa kanila at di sila kailan pa man iiwanan. Ginawa nila ang sinabi ng diwata.

Makalipas ang ilang lingo, may isang halamang umusbong sa libingan ni Sagin. Ilang linggo pa ang nakalipas may parang hugis puso ang nakita nila sa halaman. Naalala nila ang sinabi ng diwata. Ang malaking puso ay halintulad ng matabang puso ni Sagin na punung-puno ng kabaitan at pagmamahal sa kapwa. Ang naging bunga nito ay marami at matamis.

Nanatili nga si Sagin sa mga taong bayan at hanggang ngayon ito pa rin ay nagbibigay ng sobra-sobra. Ang puno ngayon ay tinawag ng taong bayan na Saging.

What do you think?

12 points
Upvote Downvote

Total votes: 24

Upvotes: 18

Upvotes percentage: 75.000000%

Downvotes: 6

Downvotes percentage: 25.000000%

Alamat ng Sampaguita

Alamat ng Rosas