in

LOVE CUTE LODI OMG CRY ANGRY LOL

Alamat ng Kasoy

Unang Bersyon

Noong unang panahon ay nasa loob ng kasoy ang abuhing buto nito. Lungkut na lungkot ang buto sapagkat madilim na madilim sa loob ng kasoy. Lalo itong nalungkot nang malamang magdaraos ng isang handaan ang Adang kagubatan. Sa gabi ng handaan ay ipinatawag ng Ada ang lahat ng hayop at halaman.

Ang buong kagubatan ay nagliliwanag sa tama ng mga ilaw ng parol ng mga Alitaptap. Ang huni ng mga Kuliglig at kokak ng mga Palaka ay sumasaliw sa awit ng mga Maya. Masayang kasayaw ng mga Kuneho ang mga Usa, ng mga Elepante ang mga Tamaraw, ng Zibra ang Tsonggo. Kapareha naman ni Kangkong ang Sitaw, ni Mangga ang Dalanghita, ni Saging ang Papaya.

Lahat ay nagsasayaw. Lahat ay kumakanta. Masayang-masaya ang kagubatan. Bukod tanging ang buto ng kasoy ang lungkut na lungkot.

“Mabuti pa sila, nakikita ang masayang paligid. Heto ako, nakakarinig ng awit at tawanan pero hindi naman nakikita ang katuwaan.”

Naulinigan ng makapangyarihang Ada himutok ng Buto.

“Gusto kong maging maligaya ka. May kahilingan ka ba?”

“Ayoko pong nakakulong sa madilim na lugar na kinalalagyan ko. Naiinggit ako sa ibang hayop at halaman na tuwang-tuwa kapag may handaan sa kagubatan. Nakakasama sila sa pagsasaya. Hindi lang nila naririnig kundi nakikita pa ang katuwaan ng lahat. Maawa kayo, mahal na Ada. Gawan ninyo ng paraang makalabas po sana ako sa pagkakakulong ko sa loob ng prutas na ito.”

Naantig ang maawaing damdamin ng mahal na Ada. Iwinasiwas nito ang nagniningning na pananglaw. Sa isang iglap ay nakalabas sa madilim na kulungan ang Buto.”

Masayang-masayang napanood ng Buto ng Kasoy ang sayawan, kantahan, at pagkakatuwaan ng mga hayop at halaman.

Ang malakas na pagkokak ng mga Palaka at paghuni ng mga Kuliglig ay sumaliw sa awit ng mga Maya. Sa tuwa ng Elepanteay kumembut-kembot ito sa pag-indak. Napapasabay din sa pagimbay ang mahagway na Kawayan kasama ang Pagong na nagbababa at nagtataas ng bahay-bahayan.

Hatinggabi na nang iwasiwas na muli ng butihing Ada ang kaniyang makinang na pananglaw. Hudyat iyon ng pamamahinga. Pinatay na ng mga Alitaptap ang parol nila.

Nalungkot ang Buto nang dumilim na ang paligid. Nahahalinhan ng takot at lungkot nang kumulog at kumidlat. Napansin ng Buto na nagsipagtago ang mga hayop sa mga kuweba. Mahigpit namang ikinabit ng mga halaman ang mga ugat sa ilalim ng lupa.

Tulad ng dapat asahan, bumuhos na ang malakas na ulan. Takot at kinakaliglig sa lamig ang Buto.

“Ga…Ganito pala sa labas. Ma…Mamamatay ka sa sobrang ginaw. Mabibingi ka sa ingay ng kulog. Malamang na tamaan ka pa ng kidlat. A…Ayoko na sa labas.”

Hindi pinakinggan ng Ada ang abuhing Buto ng Kasoy. Bilang panghabambuhay na parusa ay pinamalagi ng Adang manatili sa labas ng Kasoy ang abuhing Buto nito.

Iyan ang Alamat ng Kasoy at ng di nito makuntentong Buto.

Pangalawang Bersyon

Noong unang panahon ay nasa loob ng kasoy ang abuhing buto nito. Lungkut na lungkot ang buto sapagkat madilim na madilim sa loob ng kasoy. Lalo itong nalungkot nang malamang magdaraos ng isang handaan ang Ada ng kagubatan. Sa gabi ng handaan ay ipinatawag ng Ada ang lahat ng hayop at halaman.

Ang buong kagubatan ay nagliliwanag sa tama ng mga ilaw ng parol ng mga Alitaptap. Ang huni ng mga Kuliglig at kokak ng mga Palaka ay sumasaliw sa awit ng mga Maya. Masayang kasayaw ng mga Kuneho ang mga Usa, ng mga Elepante ang mga Tamaraw, ng Zibra ang Tsonggo. Kapareha naman ni Kangkong ang Sitaw, ni Mangga ang Dalanghita, ni Saging ang Papaya.

Lahat ay nagsasayaw. Lahat ay kumakanta. Masayang-masaya sa kagubatan. Bukod tanging ang buto ng kasoy ang lungkut na lungkot.

“Mabuti pa sila, nakikita ang masayang paligid. Heto ako, nakakarinig ng awit at tawanan pero hindi naman nakikita ang katuwaan.”

Naulinigan ng makapangyarihang Ada ang himutok ng Buto.

“Gusto kong maging maligaya ka. May kahilingan ka ba?”

“Ayoko pong nakakulong sa madilim na lugar na kinalalagyan ko. Naiinggit ako sa ibang hayop at halaman na tuwang-tuwa kapag may handaan sa kagubatan. Nakakasama sila sa pagsasaya. Hindi lang nila naririnig kundi nakikita pa ang katuwaan ng lahat.

Maawa kayo, mahal na Ada. Gawan ninyo ng paraang makalabas po sana ako sa pagkakakulong ko sa loob ng prutas na ito.”

Naantig ang maawaing damdamin ng mahal na Ada. Iwinasiwas nito ang nagniningning na pananglaw. Sa isang iglap ay nakalabas sa madilim na kulungan ang Buto.

Masayang-masayang napanood ng Buto ng Kasoy ang sayawan, kantahan at pagkakatuwaan ng mga hayop at halaman.

Ang malakas na pagkokak ng mga Palaka at paghuni ng mga Kuliglig ay sumaliw sa awit ng mga Maya. Sa tuwa ng Elepante ay kumembut-kembot ito sa pag-indak. Napapasabay din sa pag-imbay ang mahagway na kawayan kasama ang Pagong na nagbababa at nagtataas ang bahay-bahayan.

Hatinggabi na nang iwasiwas na muli ng butihing Ada ang kaniyang makinang na pananglaw. Hudyat iyon ng pamamahinga. Pinatay na ng mga alitaptap ang parol nila.

Nalungkot ang Buto nang dumilim na ang paligid.

Nahalinhan ng takot ang lungkot nang kumulog at kumidlat. Napansin ng Buto na nagsipagtago ang mga hayop sa mga kweba.

Mahigpit namang ikinabit ng mga halaman ang mga ugat sa ilalim ng lupa.

Tulad ng dapat asahan, bumuhos na ang malakas na ulan. Takot at kinakaligkig sa lamig ang Buto.

“Ga…Ganito pala sa labas. Ma…Mamamatay ka sa sobrang ginaw. Mabibingi ka sa ingay ng kulog. Malamang na tamaan ka pa ng kidlat. A…Ayoko na sa labas.”

Hindi pinakinggan ng Ada ang abuhing Buto ng Kasoy. Bilang panghabambuhay na parusa ay pinamalagi ng Adang manatili sa labas ng Kasoy ang abuhing Buto nito.

Iyan ang alamat ng Kasoy at ng di nito makuntentong Buto.

Ikatlong Bersyon

Hinding hindi ko malilimot ang munting bayang iyon na nasa tabi ng dagat. Ito’y mistulang kabibing itinapon sa gitna ng tubig. Parang biyaya ng kalikasan, kapirasong matabang lupang kapatagan na ang mga paa ay nabababad sa alat – iyan ang NASUGBU.

Minahal ko ang kanyang maliliit na burol at mga talampas at lumalagaslas na batis. Walang maipaglihim na kagandahan ang bayang yaon pagka’t ang lahat na’y aking sinaliksik. Ako ngayon ay nasapusod ng Mindanao subali’t ang apat na taong aking ipinamalagi roon ay laging nagsasayaw sa aking balintataw. Ako’y palaaral ng buhay ng tao at sapagka’t ako’y isang guro kaya natutuhan ko ang mga ugali, pamahiin at tradisyon ng mga mamamayan doon.

Samantalang sinusulat ko ito ay nagbabalik mandin ang aking gunita sa bayang iyong pinatamis ng asukal at pulot-pukyutan. Ang sumusunod ay isang alamat na napulot ko roon.

Sakaling may isang manlalakbay na magawi sa bandahing iyon, walang salang maririnig niya ang alamat na ito na ginagawang panghele ng mga ina sa duyan ng mga bunso, ikinukuwento ng mga lolo sa kanilang mga apo at pinapaksa ng mga binata’t dalaga sa kanilang usapan samantalang nagpapainit sa kalan lalo’t malamig ang Pasko.

Noo’y Himagsikan ng 1896. Ang pag-ibig ay laging bahagi ng digma.

Si Milda ay dalaga ng nayon at libu-libo ang kanyang tagahanga. Si Nardo nama’y isang binatang mangingibig na nagkapalad sa lalong mapalad sapagka’t ang kanyang pag-ibig ay tinugon ni Milda ng kapwa pag-ibig. Si Nardo ay napabilang sa mga unang kawal na pumalarangan sa digma upang ipagtanggol ang karangalan ng bayang api. Kanyang ikinalulungkot na lisanin si Milda nguni’t kailangan nang masugpo ang pagmamalabis ng mga Kastila.

“Milda, ipangako mo sa akin na ikaw ay si Milda rin sa aking pagbabalik.”

“Ako’y nangangako!”

“Anaki’y di mo ikinababalisa ang aking pag-alis!”

“Ikinatutuwa ko ang iyong paglisan hindi dahil hindi kita minamahal kundi sapagka’t nag-uumapaw ang pag-ibig ko sa Inang bayan. Ang iyong pag-alis ay nangangahulugan ng kanyang katubusan. Tinatawag ka ng tungkulin. Hindi maaaring ikaw ay laging nasa aking piling. Alam mo ba kung ilang mga tahanan ang nawasak dahil sa panggagahis ng ating mga kaaway?”

“Subali’t Milda, kita’y iniibig!”

“Mahalin mo ang bayan nang higit kaysa akin!”

“Kasama mo ako hanggang libingan!”

At sila’y naghiwalay.

Nagtumulin ang paglipas ng mga araw. Walang balita galing kay Nardo. Tapos na ang Himagsikan at nag-uwian na ang mga kawal nguni’t walang Nardong nagbalik! Siya kaya’y isa sa mga sinawing-palad?

Si Milda, sa paglipas ng mga araw ay sumailalim sa mga pagsubok! Kanya kaya itong mapaglalabanan? Siya ay maganda. Ayaw niyang sayangin ang kagandahang iyon upang malaing sa init ng tag-araw. Siya’y bata pa. Nasa kanyang dugo ang pusok ng paghihimagsik.

Nasa kabataan ang paglimot. Ang kabataan ay nakadarama; ang katandaa’y tagagunita lamang! Siya ba’y inilaang maghintay na walang katapusan? Maraming mga binatang nagpapaligsahan sa paghingi ng kanyang kamay!

“Talaga bang hindi mo malilimot si Nardo?” anang isang mangingibig.

“Ang panahon lang ang nakababatid. Ang panahon lang ang makahihilom sa matanda nang sugat!”

“Anong kahulugan ng iyong pagpapakasakit gayong alam ng madla na si Nardo ay nasawi sa labanan? Nasaksihan ng aking mga mata ang kanyang dakilang pagkamatay sa labanan sa Kakarong!”

Ang panunuyo ay natapos sa altar. Sina Milda at Nilo ay nagtaling-puso. Ipinailanglang ng dupiki ng batingaw ang kasayahan subali’t ang buhay ay di laging ngiti at awit; manapa’y ito’y isang mahabang rosaryo ng pagtitiis.

Minsan, si Nilo ay wala sa tahanan. Siya’y may pinuntahan kaya si Milda ay napag-isa. Noo’y hatinggabi. Siya’y balisa at hindi mapalagay. May narinig siyang halinghing ng kabayo. Kinamaya-maya’y isang lalaking nakarayadilyo ang kumatok sa pinto. Siya ay nakapasok at si Milda’y nagitlahanan at di makapagsalita.

“Milda, kay aga mong nakalimot!”

“Nardo, Saan ka nagsuot sa marami nang mga taon? Maaari… bang… Maaari ka bang magpatawad? Bigyan mo ako ng pagkakataong magpaliwanag.”

“Nababatid ko na ang lahat. Hindi na kailangan ang paliwanag. Ang Diyos ang magpapatawad.

Hindi ako. Ang aki’y paghihiganti! Milda, ikaw ay may utang na dapat pagbayaran. Ako’y naparito upang maningil. Kung batid mo lamang ang mga hirap na aking tiniis! Hindi ka sana naging malabiga!”

Napahandusay si Milda sa sahig at nawalan ng ulirat.

Isinakamay ni Nardo ang batas. Di ba’t siya ang batas? Di ba’t ang lakas ang siyang batas? Itinaas ni Nardo ang kampilan, at itinuon ang mga mata sa langit saka nagdasal: “Patawarin mo ako, O Diyos. Ito na po lamang ang tanging landas!”

Kanyang biniyak ang dibdib ni Milda at kinuha ang puso. “Sa kanya, sinuman siya, ang laman, subali’t sa akin… ang para sa akin ay ang puso pagka’t ako’y tapat hanggang wakas!”

Ibinaon ni Nardo sa looban ang puso ni Milda. Ito’y lagi niyang dinidilig tuwing umaga. Inalagaan niya nang buong ingat at anong pagtataka niya nang mamalas ang maliit na halamang tumubo sa kanyang pinagbaunan. Ang halaman ay parang hinuhugot sa paglaki dahil sa tulong ng araw at ulan, hanggang sa ito’y mamulaklak. At di kasi, ang mga bulaklak ay naging mga bunga.
Isang hapon nang si Nardo ay nagpapahinga sa lilim ng halaman, siya’y nalaglagan ng isang bungang hinog. Hindi napagwari ni
Nardo kung anong uri ng bunga ang kanyang pinagmasdan. Tinanong niya ang sarili kung bakit ang buto ay nasa labas! Ito ay hugis puso na pabiyak. Iyan kaya ang puso ni Milda?

Noo’y lumulubog na ang araw sa abuhing Bundok ng Tagaytay. Sa duklay ng sanga ng halaman ay may kulasising umawit. Si Nardo’y tila nangangarap. Lumuhod at nanalangin: “Diyos ko, si Milda ba’y Inyong pinatatawad?”

Mandi’y parang baliw si Nardo. Kinain niya ang buto sa halip na bunga. Noon di’y siya’y namatay subali’t ang kasoy hanggang sa mga sandaling ito’y naroroo’t buhay, namumunga at sumasagisag sa pagtataksil ng apo ni Eva.

What do you think?

1 point
Upvote Downvote

Total votes: 15

Upvotes: 8

Upvotes percentage: 53.333333%

Downvotes: 7

Downvotes percentage: 46.666667%

Alamat ng Kawayan

Alamat ng Kamote