Alamat ng Bahaghari

Unang Bersyon

Noong unang panahon may mag-asawang Manobo na naninirihan sa baybayin ng mga Isla ng Saranggani. Bagama’t maginhawa ang kabuhayan, malungkot ang mag-asawa sapagkat hindi sila biniyayaan ng kahit na isang anak man lamang. Lahat ng uri ng mga halamang gamot na ipinayo sa kanila ay walang naidulot na mabuting epekto. Ito ang dahilan kung kaya malungkut na malungkot ang dalawa.

Sumangguni sila sa mga nakatatanda na nagpayong, “Kung hindi magamot ng tao, Diyos ang balingan ninyo.”

Nagpasyang makipagkita kay Walian ang mag-asawa. Ang Esperatista ay nagdasal upang ihatid ng Diwata ng Pagdadalangtao ang kanilang kahilingan. Ilang buwan lang ang nakaraan ay tuwang-tuwa nang ibinalita ng babae sa asawa na siya ay buntis na. Nagpasalamat ang mag-asawa kay Bathala sa magandang handog sa kanila.

Isang malusog na sanggol na babae ang naging supling nila na pinangalanang Blunto. Lumaking napakaganda nito. Ipinagkakapuri ng mga tribung Manobo ang angking kariktan ni Blunto.

Bukod sa ganda, masipag na masipag din ang dalagita. Tinamnan niya ng makukulay na bulaklak ang paligid ng bahay nila. Magaganda ang lumaking mga rosas, ilang-ilang at kamya. Nakakatawag pansin ang bugambilya, santan at ehampaea. Nakakabighani rin ang rosal, dama de noehe at orkidya.

Parang may magneto ang mga kamay niya. Bawat halamang madiligan ay pinamumulaklakan. Bawat bulaklak na bumukadkad ay kinagigiliwan. Lagi nang nagpapasalamat si Blunto sa Araw at Buwan sa pagtanglaw nila sa mga bulaklak dumilim man o lumiwanag.

Isang gabi, habang pinanonood ni Blunto ang marahang pamumukadkad ng mga bulaklak ay nagulat siya sa isang parang panaginip na nabanaagan niya mula sa dagat-dagatan. Hindi siya nagkakamali. Isang makisig na binata ang sakay ng isang puting kabayong lumilipad sa alapaap.

Hindi alam ni Blunto na ang Araw at Buwang pinasalamatan na Hari at Reyna ng Kaitaasan ay natanawan siyang namimintana sa kanilang tinitirhan. Alam nilang mabuti ang kalooban ni Blunto na angkop na makilala ng kaisa-isa nilang anak. Iyon ang dahilan kaya parang panaginip na ipinatanaw nila sa dalagita ang katauhan ng anak nila.

Maya-maya pa ay biglang naglaho ang papalapit na sanang binata. Kinaumagahan, iniisip-isip ni Blunto kung panaginip nga lang ba ang nakita niyang makisig na binata, at puting kabayong lumilipad sa alapaap?

Isang umagang nagdidilig ng mga bulaklak si Blunto ay binulaga siya ng isang tinig. Paglingon niya ay hindi siya makapaniwala. Ang lalaking makisig sa kaniyang panaginip ang kaharap niya. Nakikiusap itong makikiinom sa matinding uhaw sa pamamasyal. Hindi na inusisa pa ng dalaga kung saan galing ang kausap niya. Para sa kaniya, sapat nang masaya siya habang kinakausap ng bisita.

Nakipagkilala ang makisig na binata. Sinabi nitong sa isang napakalayong lugar siya nakatira na mahirap puntahan ninuman. Naging pala-isipan kay Blunto ang misteryosong binata. Hindi na niya itinanong kung ito nga ba yung binatang nakasakay sa puting kabayong lumilipad sa alapaap. Sapagkat nahihiya naman siyang sundan at tingnan kung nasaan ang may pakpak na kabayo, nakuntento na siyang nakita niya ang maamong mukha at nangungusap na mga mata ng isang binatang taos pusong iibigin niya.

Laging hinihintay ni Blunto ang paglubog ng araw. Nangangahulugan kasi itong maaari na namang maligaw sa hardin niya ang makisig at mabait na binatang tinitingala niya.

Hindi nagkamali ng sapantaha ang dalagita. Tuwing hapon nga ay dinadalaw siya ng panauhin niya. Lubos na napagsino ni Blunto ang kabaitan at katapatan ng binata. Ang makisig na panauhin ay nabighani rin sa kagandahan ni Blunto. Bukod sa panlabas na anyo, ang binata ay humanga sa natural na pag-uugali ng dalagita. Matapat at simpleng-simple lang ang mga gawi nito. Mapagkakatiwalaan mo si Blunto. Naniniwala ang makisig na binata na hindi panlabas na anyo ang dapat maging husgahan ng isang nagmamahal. Kailangang may katuwaan ka sa puso kapag kasama mo ang dalagang pakakasalan mo. Kailangang iisa ang tinatanaw ninyong pangarap. Kailangang gusto mo siyang makasama sa buhay at kamatayan.

Pero bata pa si Blunto upang tumanggap ng seryosong pakikipag-ibigan. Sapagkat wagas ang pagmamahal, matagal ding naghintay ang binata.

Ilang taon din ang binilang bago tanggapin ni Blunto ang pag-ibig ng binata.

Nang sagutin siya ng matamis na oo ay ipinagtapat ng misteryosong ginoo ang kaniyang tunay na katauhan.

“Blunto, mahal ko, gusto kong malaman mo kung sino talaga ako.”

Sinabi ng binata na anak siya ng Haring Araw at Reyna Buwan. Na bumaba siya sa lupang sakay ng puting kabayong may pakpak mula sa kaitaasan. Na ipinadala siya ng mga magulang upang ipasabi sa dalagang nakararating sa kanila ang mga dasal ng pasasalamat na siyang dahilan upang ang mga tanim niya ay mag-usbong at mamulaklak. Na natutuwa ang mga magulang niya sa pagkakaroon ng isang nilalang sa daigdig na may busilak na kaloobang hindi mapapantayan ng anumang kayamanan.

Binanggit din ng binata na alam na ng mga magulang niya ang damdamin nito sa dalaga. Na siya ay umiibig nang wagas kay Blunto. Na ipagsasama niya ang dalaga upang pakasalan sa kanilang kaharian sa kaitaasan.

Nang pituhan ng binata ang puting kabayo na nagkakanlong sa mga puno ay naniwala na si Blunto sa sinasabi ng binata. Totoo nga palang may puting pakpak ang kabayo na katulad sa panaginip na nabanaagan niya maraming taon na ang nakaraan.

“Hindi panaginip ang nakita mo, mahal ko. Ako yon na nagpakita sa iyo mula sa alapaap sa ibabaw ng dagat!”

Sapagkat matagal nang minahal ni Blunto ang misteryosong mangingibig ay pinakiusapan niya itong ipagpaalam siya sa mga magulang.

Sapagkat parang kabubukadkad pa lang na bulaklak si Blunto kaya tumutol ang mga magulang niya sa pagpa-paalam. Ayaw mawalay ng mga magulang ang nag-iisa nilang anak.

Nagtangkang magtanan ang magsing-irog pero nahuli sila. Lalo tuloy hinigpitan ang dalaga. Bilang parusa, ikinulong si Blunto sa bahay nila at itinaboy ang misteryosong binata. Sa sobrang kaiungkutan, ang dalaga ay nagkasakit. Lubos na nag-alala ang kasintahan niya. Kahit na anong sibat ang iharang ay nagmamakaawa pa rin itong dalawin ang kasintahan. Sa pagpupumilit ng binata ay naaawa naman ang mga magulang ni Blunto. Ibinase nila ang pagpapalaya sa anak sa matapat na pag-ibig ng binata. Sa takot na baka magkasakit na muli ang kaisa-isang anak ay pumayag na silang iuwi ng binata sa kaharian ng Araw at Buwan ang kaisa-isa nilang anak na pinakamamahal.

Nanindigan ang mga magulang ni Blunto na kailangan munang maikasal sa lupa ang dalawa bago umalis papuntang kaitaasan.

Simple subalit makabagbag-damdamin ang idinaos na kasalan. Magkahalong lungkot at saya ang nadama ng mga magulang ni Blunto. Saya na may makakatuwang na sa hirap at ginhawa ang anak nila. Lungkot, sapagkat maialayo na ang tanging anak na pinanggagalingan ng kanilang katuwaan sa araw-araw.

Pagkatapus na pagkatapos ng seremonya ay nagpaalam na ang mga bagong kasal. Sakay ng puting kabayong maglilipad sa kanila sa kaitaasan, dala-dala nila ang makukulay na bulaklak na pararamihin nila sa kaitaasan.

“Ama, Ina,” luhaang pagpapaalam ni Blunto, “kung malulungkot po kayo ay tumingin kayo sa kalangitan at tiyak na makikita ninyo ang mga bulaklak na tanim ko. Kapag nakita ninyo ang mga makukulay na arko ng mga bulaklak ay tiyak na naroroon ako at tinatanaw ko kayo.”

Mahigpit na niyakap ng mga magulang ang kaisa-isang anak at matapat na kinamayan ang manugang nila. Sa isang kisapmata ay nasa kalawakan na ang mga bagong kasal na kumakaway sa mga Manobong nagsisipagbunyi.

Ilang araw lang ang lumipas ay malungkot na ang ama at ina ni Blunto. Subalit tulad ng pangako ng anak ay matatanaw nga naman sa kaitaasan ang arko ng mga bulaklak na sa lupa ay parang makulay na bahag ng hari. Bagama’t pinanginginigan ang mga labi ng kalungkutan ay mapapansin din naman ang katuwaan sa mga mukha ng mga magulang. Habang tumatagal ay lalong nagiging makulay ang bahaghari ng kalikasan.

Iyan ang alamat ng Bahaghari ng mga taga-Isla Saranggani sa Mindanao.

Pangalawang Bersyon

Panahon na naman ng taniman. Isang umaga, pinasyalan ni Galupi ang kanyang bukid. Napansin niya ang nagtataasang damo na di na niya ikinagulat. Ngunit labis niyang ipinagtaka ang pagkasira ng kanyang bakod. Naisip niyang maaaring ito ay dahil sa nakaraang bagyo.

Mabilis na inayos ni Galupi ang nasirang bakod. Buong tiyagang ibinalik niya isa-isa ang malalaking bato sa dating kinalalagyan ng mga ito.

Kinabukasan, muli ay maaga siyang nagtungo sa bukid. Hindi siya makapaniwala sa kanyang nakita. Sira na naman ang inayos niyang bakod! Muli na namang nagkalat ang mga batong inayos niya. Nagtaka siya at nag-isip kung sino ang maaaring gumawa nito sa kanya.

Napakabigat ng mga bato upang gawin ng mga bata. Wala siyang nagawa kundi muling ayusin ang bakod. Matapos nito ay nilinis niya ang mga damo upang ihanda ang lupa sa pagtatanim.
Nang sumunod na araw, muli ay nakita na naman niyang nagkalat ang mga batong inayos niya. Sa halip na pagtataka ay galit na ang kanyang naramdaman. Ayaw na niyang gawing muli ang bakod hanggang di niya nalalaman kung sino ang nanloloko sa kanya. Nagpasya siyang alamin kung sino ang may kagagawan nito sa kanya.

Hinintay niya ang pagsapit ng gabi sa likod ng punong pino, ilang metro lamang ang layo sa kanyang bakod na bato. Hindi nagtagal, isang nakasisilaw na liwanag ang nakita niyang gumuhit sa kalangitan. Pagkatapos, tatlong bituin ang nakita niyang papalapit sa kanya at bumaba ang mga ito sa kanyang bukid. Gulat na gulat siya nang ang mga bituin ay maging magagandang dalagang may pakpak. Singganda ang mga ito ng mga diwata at diyosa sa kanyang panaginip.

Ang di-makapaniwalang magsasaka ay halos hindi gumagalaw. Nag-aalala siyang matakot at umalis ang mga ito. Buong pagtataka niyang pinanood ang ginagawa ng mga dalaga. Nakita niya kung paano inalis ng mga ito ang kani-kanilang pakpak at nagsayaw sa mga batong nakakalat. Masayang nagtatawanan ang mga ito habang umiikot sa mga bato. Kung minsan ay binubuhat nila ang malalaking bato na animo’y singgaan ng lobo at itinatapon sa itaas.
Mabilis na nag-isip si Galupi ng paraan upang di makalipad ang mga dalaga. Tahimik na gumapang siya papalapit sa kinalalagyan ng mga pakpak ng mga ito. Isang pares pa lamang ng pakpak ang nakukuha niya nang mapansin ng isa sa mga ito ang kanyang anino. Napasigaw ito kaya’t agad na nakuha ng dalawa ang kanilang mga pakpak at mabilis na nakalipad. Ang isang naiwan ay nagmakaawa kay Galupi na ibalik ang kanyang mga pakpak ngunit tumanggi siya.

“Bakit ninyo sinisira ang aking bakod?” tanong ni Galupi.

“Ikinalulungkot ko. Hindi namin alam na iyan ay bakod mo. Mula sa bahay namin sa kalangitan, naisip namin na isang magandang palaruan ang iyong bukid,” umiiyak na sagot ng diwata.

“Ngayon, maaari mo na bang ibalik sa akin ang aking mga pakpak? Gusto ko nang umuwi kasama ng mga kapatid ko. Pangako, hindi ka na namin guguluhin,” pakiusap nito.

Hindi pumayag si Galupi. Unti-unti siyang naaakit sa kagandahan ng dalaga. “Anong pangalan mo?” tanong niya.

“Kayapon, ” nahihiyang sagot ng dalaga. Iniuwi ni Galupi si Kayapon upang maging asawa niya. Naging mabuting asawa siya kay Galupi at kahit nalulungkot ay di siya dumaraing.
Samantala, itinagong mabuti ni Galupi ang mga pakpak ni Kayapon. Anumang gawing paghanap ni Kayapon ay di niya makita ang kanyang mga pakpak. Minsan ay nilalambing niya si Galupi upang ibigay ang kanyang mga pakpak. Ngunit lahat ng pagsisikap niya ay nabigo.

Umaasa si Galupi na malilimutan din ni Kayapon ang kanyang buhay sa kalangitan sa paglipas ng panahon. Nagkatotoo ito nang magkaroon sila ng anak. Mahal na mahal ni Kayapon ang kanilang anak. Nasiyahan naman si Galupi sa nakitang kasiyahan ni Kayapon sa kanyang bagong buhay sa daigdig.

Ngunit maingat pa ring itinatago ni Galupi ang mga pakpak niya sa isang banga. Natatakot pa rin siyang makuha ito ng kanyang asawa at umuwi ito sa kanila. Ngunit sa paglipas ng panahon ay di na siya naging maingat dahil sa nakikitang pagmamahal ni Kayapon sa kanilang mag-ama. Minsan sa pagmamadali niyang makapasok sa loob ng kanilang bahay ay nakaligtaan niyang itago ang pakpak na inilabas niya sa banga.

Nang sumunod na araw, nakita ni Kayapon ang kanyang mga pakpak. Tuwang-tuwang nilinis niya ito at isinuot. Sinubukan niyang lumipad at bigla niyang naisip na bumalik sa kanyang dating tahanan. Hindi niya ito makalimutan sa kabila ng pagmamahal niya kay Galupi at sa kanilang tahanan. Tinawag niya ang naglalarong anak at isinama itong lumipad patungo sa kalangitan.

Gayon na lamang ang kalungkutan ni Galupi nang pag-uwi niya ay wala na ang kanyang mag-ina. Mabilis niyang tinungo ang pinagtataguan ng mga pakpak at natuklasan niyang ang kinatatakutan niya ay nagkatotoo.

Naawa kay Galupi ang diyos ng kalangitan na si Lumawig. Itinuro niya rito kung paano makikitang muli ang kanyang mag-ina.

“Bukas ng madaling-araw, may makikita kang lubid na nakabitin mula sa langit. Dito ka umakyat patungo sa kalangitan. Pagdating mo roon, may makikita kang walong dalagang magkakamukha. Silang lahat ay kamukha ng iyong asawa. Hindi mo siya makikilala sa mga ito. Hintayin mong dumapo ang isang bubuyog sa isa sa kanila. Ito si Kayapon,” mahabang pahayag ni Lumawig.

Hindi pa nakasasagot si Galupi ay nawala na sa kanyang paningin si Lumawig.

Kinabukasan, nagmamadaling lumabas ng bahay si Galupi. Tulad ng sinabi ni Lumawig, nakita niya ang isang lubid na nakabitin mula sa langit. Tuwang-tuwang umakyat dito si Galupi.

Sinunod niya ang lahat ng utos ni Lumawig kaya’t nakarating siya sa tahanan ni Kayapon. Nang dumapo ang isang bubuyog sa isa sa mga dalaga ay bigla niya itong niyakap. Nasa likod nito ang kanilang anak. Naging masaya si Kayapon sa pagdating ni Galupi.

Sa puso ni Galupi, alam niyang masaya si Kayapon sa kalangitan kasama ng mga kapatid.

Hindi makatwiran kung pipilitin niya itong umuwi sa kanyang daigdig. Samantala, nauunawaan naman ni Kayapon na ang kanyang asawa ay magsasakang dapat naninirahan sa daigdig.

Gumawa ng solusyon si Lumawig sa kanilang sitwasyon. Gumawa ito ng pakurbang daan mula sa kalangitan patungo sa lupa na kinalalagyan ng bakod na bato ni Galupi. Ito ang daan upang maging tahanan nina Galupi at Kayapon ang lupa at langit. Bilang regalo kay Kayapon, kinulayan ni Lumawig ng pula, dalandan, dilaw, berde, asul, indigo, at lila ang tulay. Ang arkong tulay na ito na may iba’t ibang kulay ang unang bahaghari.