Ang Mangangambing at ang Kambing


May isang mangangambing na pinaghabilinang mag-alaga ng isang daang Kambing. Tuwing umaga, lagi na niyang inilalabas ang mga alaga upang manginain sa malawak na kabukiran. Kapag dumidilim na ay isa-isa na niyang pinipituhan ang mga alaga upang maibalik sa kulungan.

Minsang pinipituhan na niya ang bawat alaga ay kapansin-pansing may isang nawawala. Natanawan niyang napalayo ito at nakaakyat sa mataas na batuhan. Pinaswitan nang pinaswitan niya ang Kambing pero hindi man lang ito tumitinag sa pagkakatayo.

Nagdesisyon siyang iwan na lang ang Kambing. Nang aalis na siya ay naalala niya ang kasungitan ng may-ari. Tiyak nga namang hahanapin ang Kambing na nawawala. Nagbalik siyang muli at pumaswit na naman nang pumaswit. Nang mapansing umingos lang ang nagmayabang na Kambing ay dumampot siya ng bato at pinukol ang hayop. Nabasag ang kaliwang sungay ng Kambing.

“I… ikinalulungkot ko. Ikinalulungkot ko.” patakbong pagpapaumanhin ng tagapag-alaga habang hinahaplos at sinusuri ang nabasag na sungay. “Sa… sana ipangako mo na hindi mo ipagtatapat sa amo natin na akong tagapag-alaga ninyo ang nakabasag ng sungay mo.”

“Nahihibang ka na ba?” tanong ng kambing. “Alam mong hindi ko maitatago ang nabasag kong sungay. Tiyak na makikita ito ng mayari sa lalong madaling panahon at tiyak na marami siyang itatanong.”

Aral: May panahong naitatago ang lihim pero ito ay mabubunyag din.

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento