Ang Biik at ang mga Tupa


Isang may katigasan ang ulong Biik ang inis na inis sapagkat lagi na lang siyang nasa kulungan. Naiinggit siya sa mga Tupa na lagi nang ipinapasyal ng kanilang pastol.

Minsang natutulog ang mga kapatid niya ay pumuslit sa nakaawang na pintuan ang Biik. Namasyal siya sa bukid at napatalon sa tuwa nang makitang ipinapasyal ng pastol ang mga Tupa. Sumunud-sunod siya sa mga Tupa at nakipagkuwentuhan pa sa kanila. Napakamot ng ulo ang pastol sapagkat ngayon lang niya nakitang kinagigiliwan ng mga alaga niyang Tupa ang isang Biik na hindi naman nila kauri. Sapagkat marunong makisama ang Biik, itinuring siyang kaibigan ng mga Tupa.

Nang iniuwi na sa kural ang mga Tupa ay tinanong ng pastol kung paano uuwi ang Biik sa kanila. Napayuko ang Biik. Inakala ng pastol na walang uuwiang mga kapatid at mga magulang ang Biik kaya isinama siya sa kural ng mga Tupa.

Naging masaya ang Biik sa kawan. Lagi silang ipinapasyal ng pastol. Laging busug na busog silang magkakasama.

Sa pagmamatiyag ng Biik ay napapansin niyang isang Tupa ang laging kinakarga ng pastol. Inusisa niya ang pinakamatalik na kaibigan kung bakit. Hindi kumibo ang kinausap. Masusing tinatanaw ng Biik kung saan dinadala ang Tupang kinakarga ng pastol. Nabuo sa kaniyang isipan ang isang katatakutan. Alam kasi niyang isang araw ay maaari ring kargahin siya ng pastol at ilabas sa kural.

Ang pinangangambahan niyang araw ay dumating nga. Sa halip na isang Tupa ay siya, dating Biik at ngayon ay may katabaan at mapupulang pisngi, ang kinarga ng pastol.

Nagsisigaw sa takot ang matabang Baboy. Inusisa siya ng mga Tupa kung bakit nagsisigaw siya.

“Kapag kinarga ka ng pastol,” humihikbing sabi ng Baboy, “maaaring balatan ka lang at kunan ng balahibong bulak o kung inahin kang Tupa ay kunan ka naman ng gatas. Samantalang ako ay tiyak na kakatayin lamang niya sapagkat wala akong taglay na gatas o balahibong bulak na maipagbibili niya.”

“Ta… tama ka,” nagyukuan ang lahat sa katotohanang tinuran ng kanilang kaibigan.

Aral: Kung saan ang buhay ay napangangalagaan, doon tayo makipanirahan .

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento