Alamat ng Sampaguita


Unang Bersyon

Ang sampaguita, na ating pambansang bulaklak, ay may iniingatang isang magandang alamat. Ang dalawang pangunahing tauhan ay bibigyan natin ng mga makabagong pangalan, bagaman ayon sa matanda, ang mga tagpong inilalarawan sa kuwento ay nangyari noong bago pa dumating dito sa atin ang mga Kastila.

Noo’y panahon pa ng mga baranggay at datu. Ang Balintawak at ang Gagalangin ay baranggay na magkapit-bahay. Sa pagitan ay may isang matibay na bakod na yari sa mga pinatuyong kawayan , na tuwing limang taon ay ginigiba at pinapalitan. Kung minsan, ang nagpapalit ay ang mga kawal ng datu sa Gagalangin; kung minsan naman ay ang mga kawal ng datu sa Balintawak. Ngunit ang lahat ay gumagawa alinsunod sa utos ng kani-kanilang puno.

Ang datu ng Balintawak ay mayroon daw isang anak na dalaga na walang pangalawa sa kagandahan, maging sa mukha at sa pag-uugali. Ang ngalan niya ay Rosita, wala na siyang ina, datapuwa’t mayroon siyang apat na abay na pawang mga dalaga rin; sila ang nag-aasikaso sa kanyang mga pangangailangan. Maraming binatang nagingibig sa kanya, ngunit ang nakabihag ng kanyang mailap na puso ay ang anak na binata ng datu ng Gagalangin na nangangalang Delfin.

Nakapagtataka kung bakit gaong ang kanilang mga ama ay mahigpit na magkaaway ay sila’y tinubuan ng pag-ibig sa isa’t isa. Marangal ang pag-ibig ni Delfin kay Rosita — walang halong pag-iimbot, alang ano mang masamang hangarin. Sa isang sulok ng bakod ng hanggahan natatabingan ng malagong halaman, si Delfin ay gumagawa ng isang lihim na lagusan kanayang madaraanan. Kaya’t kung gabing maliwanag ang buwan, malimit daw magpasayal sila ni Rosita, kasama ang mga abay na dalaga. Sinasamyo nila ang malinis na simoy ng kabukiran at pinanonood nila ang kaayaayang mukha ng buwan. Ang pag-iibigan nilang iyon ay lingid sa kaalaman ng kanilang mga magulang.

Minsan, nabalitaan ng datu ng Gagalangin na ang hanggahang bakod ay binubuwag at pinapalitan ng mga taga-Balintawak. Nag-utos siya sa ilan niyang mga tauhan upang magmasid sa ginagawang pagbabakod ng mga taga-Balintawak. Nang sila’y magbali, tumanggap siya ng blita na ang bagong bakod na itinatayo ay iniusod nang may limang talampakan sa dako ng Gagalangin, at samakatuwid ay nakakakuha sa kanilang lupa. Agad siyang nagpautos sa datu ng Balintawak.

“Sabihin ninyo,” anya sa mga utusan, ” na ibalik ang bakod sa dating kintatayuan. Hindi matuwid ang kanilang ginagawa, sapagka’t tunay na isang pagnanakaw.”

Nagalit ang datu ng Balintawak nang humarap sa kanya ang mga sugong buhat sa Gagalangin at sabihin sa kanya ang biling ng datu roon. “Sabihin niyo sa inyong datu,” ang wika niya sa mga sugo,” na ako’y hindi magnanakaw. Ang bakod ay binbalik ko lamang sa dapat kalgyan ayon sa natuklasan kong mga kasulatan ng aking mga nuno.”

Ipinag-alab bg loob ng ama ni Delfin ang tinanggap niyang balita. Sa gayung mga alitan, ang karaniwang nagiging hangganan ay digmaan.

Inihanda ng datu ng Gagalangin ang kanyang mga hukbo. Kailangang bawiin niya sa pamamagitan ng patalim ang lupang sa palagay niya ay ninakaw sa kanya. Nang mabalitaan ng datu ng Balintawak na ang Gagalangin ay naghahanda upang siya ay digmain, iginayak din niya ang kanyang mga kawal. Nang malapit na ang araw ng paglusob ng hukbo ng Gagalangin sa mga taga-Balintawak, ang datu ay biglang dinapuan ng isang mahiwagang karamdaman at di nagtagal ay namatay. Naiwan kay Delfin ang isang mabigat na panagutan: siya ang magiging heneral ng hukbo ng Gagalangin.

Nang makarating sa kaalaman ni Rosita ang bagay na ito, siya’y kinabahan. Si Delfin ay batang-bata at wala pang gaanong karanasan sa digmaan, samatalang ang kanyang ama ay nahasa na sa maraming pakikilaban sapul pagkabata. Gayon na lamang ang kanyang pag-aalala. Ibig sana niyang magkausap sila ni Delfin upang ito’y himuking iurong na ang digmaan at mapayapang pakipag-usapan sa ama niya ang lahat. Datapuwa’t wala na silang panahon upang magkausap pa. Kinabukasan noo’y lalabas na sa larangan ang kanyang ama sa unahan ng isang malaking hukbo.

Naging madugo ang labanan nang magsagupa ang dalawang hukbo. Maraming nalagas sa magkabilang panig. Si Delfin ay natadtad ng sugat , at dahil sa masaganang dugong nawala sa kanya, siya’y nabuwal na lamang at sukat sa lupa. Bago siya nalagutan ng hininga, ipinagbilin niya sa kanyang mga kawal na doon siya ilibing sa tabi ng hanggahang bakod, malapit sa lihim na lagusang dinaraanan niya kung gabing maliwanag ang buwan at sila ni Rosita, kama ng mga abay nito, ay mapayapang namamasyal sa makapal na damuhan.

Hindi nabanggit ng mga matatandang nagkuwento ang sinapit na buhay ng dalawang magsing-ibig, kung ano ang naging hanggan ng labanan. Ang sabi lamang nila ay ganito : nang mabalitaan ni Rosita ang pagkamatay ni Delfin sa labanan, ang dalaga’y nagkasakit sa matinding dalamhati. Nagpatawag ng magagaling na mangagamot ang datung ama niya, ngunit sino man sa kanila’y hindi nakapagpagaling sa kaawa-awang dalaga. Unti-unti itong pinanawan ng lakas. Nang sa palagay ni Rosita ay hindi siya magtatagal, hiningi niya sa kanyang ama na ang bangkay niya’y doon lamang ilibing sa tabi ng pinaglibingan kay Delfin. Masaklap man sa kalooban ng datu, pinagbigyan niya ang kahilingan ng minamahal niyang anak.

Maraming taon ang lumipas mula noon. Nawala na ang mga baranggay at dumating na ang mga Kastila. Naitatag na ang siyudad ng Maynila. At buhat noo’y marami ng tao sa Balintawak at sa Gagalangin. Ngunit ang mga tao sa dalawang pook na ito ay naliligalig sa isang mahiwagang bagay. Kung buwan daw ng Mayo, lalu na kung mga gabing maliwanag ang buwan, may mahiwagang tinig na naririnig ang nagsisipanirahan sa may pagitan ng ng dalwang nayong naturan. Ang tinig ay waring sa isang babae at malambing daw na parang marahang bulong ng panggabing hanging humahalik sa mga dahon ng halaman. “Sumpa kita! …Sumpa kita!” ang winiwika raw ng tinig. Ngunit ang mga tao, kung minsa’t sila’y nagbabantay, ay wala namang nakikita. Napansin nila na ang waring nagmumula sa isang masukal na dako, na sinibulan ng dalawang puno ng halamang ang mga bulaklak ay may kaliitan datapuwa’t maputi, maraming talulot at ang iwing bango’y pambihira. Ganyan ang lagi nang nasasaksihan ng mga tao roon kung buwan ng Mayo, taun-taon.

Sa di-kawasa’y naisipan nilang hukayin ang dalawang halamang iyon upang matuklasan ang hiwaga ng malambing na tinig at ang kahulugan ng mga salitang sinasambit. Hindi naman sila gaanong naghirap. Nguni’t ang kanilang pagtataka’y lalo pang nadagdagan nang makita nilang ang dalwang puno ng mababangong halaman ay nagmumula sa mga bibig ng dalawang bungong hindi gaanong nagkakalayo sa pagkakabaon, at nakakabit pa rin sa kalansay. Ngayo’y nanariwa sa alala ng mga matatanda ang kasaysayan ng dalawang kapos-palad – Si Delfin at si Rosita. Samantala….

Ang kuwento’y nagkasalin-salin sa maraming bibig, at ang “Sumpa kita!” na inihahatid ng panggabing simoy sa pandinig ng mga nagmamatyag ay naging “Sampaguita” , na siyang iningalan na tuloy sa mahalimuyak na bulaklak ng halamang tumutubo sa libing ng magsing-irog.

Pangalawang Bersyon

Noong unang panahon, si Datu Dangal na puno ng Barangay Maynila ay matalik na kaibigan ni Datu Tapang na puno naman ng Barangay Balintawak. Laging nagtutulungan ang kanilang mga tauhan upang mapaunlad at mapaganda ang kani-kanilahg lugar. Kapag uhaw sa tubig ang mga pananim ni Datu Dangal ay pinatutulong ni Datu Tapang ang mga kabig upang sumalok ng tapa-tapayang tubig na ipinandidilig sa malalawak na kabukiran ng karatig barangay. Bilang pagtanaw ng utang na loob, kapag taggutom naman sa Barangay Balintawak ay buong puso namang ipinahahatid ni Datu Dangal sa kaibigan ang mga kinatay na baka upang pagsalu-saluhan ng mga kawal ng kapalagayang loob na lider. Lagi silang nagpapalitan ng mga aning palay at mais. Nagbibigayan din sila ng mga alagang pabo at manok o kaya naman ay pinanday na punyal at itak. Kung nangangailangan ng tulong ang isa, madaling mag-aabot ng kamay ang kaibigan niya. Magkaibigang-magkaibigan si Datu Dangal at Datu Tapang. Hangad nila ang pag-unlad ng bawat isa. Dasal nila ang pagtatagumpay ng bawat barangay na pinamumunuan nila.

Si Datu Dangal ay may kaisa-isang anak na dalaga na kapuri-puri sa pag-uugali at hinahangaan sa angking kagandahan. Sapagkat inaakala ni Datu Dangal na bata pa sa ngalan ng pag-ibig ang anak, lagi niya itong ipinakikilala na anak niyang dalagita na pinagdidiinan niyang nagngangalang Gita.

Kapag may mga mangangalakal sa iba’t ibang barangay na naiimbitahan si Datu Dangal, lagi at laging sa ganito nauuwi ang usapan:

“Napakaganda ng anak ninyo, Datu Dangal! Maaari bang makapanhik ng ligaw ang binata ko?”

“Bata pa si Gita. Paghintayin mo ang binata mo. Darating din ang panahong magiging ganap na dalaga ang aking dalagita.”

Kahit nakangiti ay nakatiim ang mga bagang ni Datu Dangal sa katotohanang maaaring ilayo ng sinumang mangingibig ang kaisa-isang anak.

Upang hindi gaanong mapagkita ng mga kabinataan, si Gita ay laging pinababantayan ni Datu Dangal sa ilang piling dama na kaniyang pinagkakatiwalaan.

Hindi alam ng mga dama na sa isang pagtitipon sa palasyo ay nakilala ni Gita ang natatanging anak na binata ni Datu Tapang. Sa dahilang nabighani ang binata sa ganda at ugali ni Gita ay hindi nito napigil ang sariling magtapat ng pag-ibig. Hindi maipaliwanag ng dalaga kung bakit may kakaibang misteryo kapag kausap niya ang binata. Sinuri niya ang sariling damdamin. Hindi naglihim si Gita sa mga dama. Ipinagtapat niya ang pagmamahal niya sa binatang umiibig din sa kaniya.

Nalaman ni Datu Dangal ang panunuyo ng binata sa kaniyang dalagita. Lubhang nabagabag ang ama ni Gita. Pinagsabihan nito ang mga dama na ‘lalong higpitan ang pagbabantay sa anak niya. Ipinaliwanag ng mga dama na dalaga na si Gita at sa tingin nila ay may karapatan na itong pumili ng binatang mamahalin. Winalang halaga ni Datu Dangal ang mga paliwanag. Binigyang diin niya na ang utos ng hari ay di mababali.

Nag-iiyak nang nag-iiyak si Gita. Inisip niyang hindi siya nauunawaan ng ama niya. Naniniwala siyang hindi iginagalang ni Datu Dangal ang sagradong pagmamahal niya. Tanging ang mga dama lamang ang nakakaintindi kay Gita. Sapagkat may mga puso ring marunong magmahal kaya nauunawaan ng mga dama ang saloobin ng dalaga.

Minsan, nang makatanggap ng isang sulat mula sa mangingibig ay nagmakaawa si Gita sa mga tagabantay na payagan siyang makipagkita sa minamahal. Bagamat natatakot ay pumayag na rin ang mga dama sa pagmamakaawa ni Gita. Pinakiusapan ng mga dama ang dalaga na kailangan niyang makabalik kaagad upang di mapansin ni Datu Dangal ang pagkawala niya. Nangako naman si Gita.

Sa Lihim na Burol nagpunta si Gita. Doon sila magkikita ng mangingibig niya. Ang nasabing Burol ay nakapagitna sa kaharian ni Datu Dangal at Datu Tapang. Tanging ang mangingibig ng dalaga ang nakaaalam sa nasabing lugar na itinuro niya kay Gitang minamahal. Sapagkat may kataasan ang Burol kaya kinakalag pa ng binata sa dalawang puno ang mahabang duyan na ibinababa upang pasakayin ang minamahal.

“O sampa na Gita, sampa Gita!”

Sumampa na si Gita sa duyang unti-unting itinataas ng binata. Masuyong inabot ng mangingibig ang mga kamay ng dalaga nang bumaba na sa duyan at maidantay na nito ang mga paa sa tuktok ng bueol. Maluha-luha sa kagalakan ang dalaga nang makita ang binata. Lalong nag-ibayo ang kagandahan ng paligid sa Lihim na Burol sapagkat nakalundo ang mabilog na buwan sa kalangitan na parang sadyang tumatanglaw sa pagtatagpo ng dalawang nagmamahalan.

Matagal ding nag-usap ang dalawa. Binigyang diin ng binata ang labis na pag-ibig niya sa dalaga.

“Tandaan mo Gita na ikaw lang ang mamahalin ko. Ikaw lang! Aalagaan kita, mamahalin at ipagtatanggol.”

Pinigil ni Gita ang damdamin kahit kumikislap sa tuwa ang mga mata. Matagal ding nag-usap ang nag-iibigan. Pero katulad ng dapat asahan, dumating ang oras ng paghihiwalay. Tumupad ang dalaga sa ipinangako niya. Umuwi rin siya kaagad.

Ipinagtapat ni Gita sa mga dama ang muling paghahain ng pag-ibig ng binata. Pinayuhan ng mga damang pag-aralan muna raw ni Gita ang damdamin niya. Sinabi nilang ang pag-aasawa ay hindi parang kaning isusubo na iluluwa kapag napaso.

Maraming pagkakataon ding pinayagang makipagkita si Gita sa binata. Tumagal din ng mga linggo, buwan at mga taon bago pormal na sagutin ng dalaga ang mangingibig niya. Naniniwala si Gita na marapat lamang na sagutin ang iniluluhog na pag-ibig sapagkat bukod sa anak ng datu ang binata, ito ay marangal at may paninindigan. Nakikini-kinita ni Gitang ang binata ay magiging mabuting asawa at maipagkakapuring ama ng mga iaanak niya.

Planong ipagtatapat na sana ng magkasintahan ang balak nilang pagpapakasal nang mapabalita ang nagbabantang pagsalakay ng mga mandarambong na dayuhang pinamumunuan ni Limahong. Napahiya raw ang lider na dayuhan nang hindi payagan ni Datu Dangal na makapanhik ito ng ligaw kay Gita.

Kampante si Datu Dangal na malakas ang barangay niya na kayang lumaban sa alinmang grupo ng mga dayuhang mandirigma. Subalit mali siya sapagkat marami na rin palang bataan si Limahong. Nakapag-ipon na rin ito ng maraming sandatang nanggaling sa mga tinalo o kinaibigang mga dayuhang mangangalakal na galing pa sa malalayong karagatan. Ang pagsalakay ni Limahong ay naging isang problema kay Datu Dangal. Nang mapansin ng dalagang marami-rami na rin ang napapatay sa kanilang mga kawal ay mabilis itong nagtatakbong palabas ng kanilang kaharian. Tinungo niya ang Lihim na Burol kung saan naghihintay ang matapat niyang kasintahan. Nang matanawan ng binatang humahangos ang dalaga kasama ang mga dama ay mabilis nitong kinalag ang duyan at inilundo sa burol.

“Sampa na Gita, madali! Sampa Gita!”

Isinampa ng mga dama ang nanginginig pa sa takot na dalaga. Nang abutin ng binata ang kamay ng kasintahan ay dali-dali silang nagyakap. Maluha-luhang isinalaysay ni Gita ang malakihang pagsalakay nina Limahong. Alalang-alala si Gita sampu ng kaniyang mga dama sa mapanlinlang na pakikipagdigmaan ng mga dayuhang mandarambong.

“Ma… mahal ko… tulungan mo ang amang datu ko. Maraming sandata ang mga kaaway namin. Marami nang nangamatay sa aming barangay.” Nangangatal ang buong katawan ni Gita habang humihingi ng saklolo sa kasintahan niya.

“Napag-usapan na namin ng aking ama ang dapat naming gawin. Ako raw Gita ang mamumuno sa mga kawal namin. Ako ang magpapatumba sa mga kawal ni Limahong!”

Nagimbal si Gita sa sinabi ng kasintahan. Alam niyang hindi biro na pamunuan ang isang barangay na nakikipagdigmaan. Pero inalo siya ng kasintahan.

“Huwag kang matakot mahal ko. Ako ang tagapag-mana ng aming kaharian. Dapat ko lang itong pamunuan sa oras ng pakikipagdigmaan! Dito ka lang sa Lihim na Burol. Mamatay man ako o mabuhay sa labanan ay mamahalin kita hanggang Ubingan.”

Mabilis na nagpadausdos sa isang mahabang lubid ang binata. Naiwang nag-aalala si Gita sampu ng mga dama. Ang Lihim na Burol na isang munting paraisong nalalatagan ng mga luntiang damuhan ay lugar ngayon na pinaghaharian ng kalungkutan at pag-aalala.

Matapang at sanay sa pakikidigma ang binata. Marami siyang nagaping kawal ni Limahong. Sa isang iglap ay nakaharap niya ang mandirigmang lider ng mga dayuhan. Nagkadikit ang mga kilay ni Limahong sa sobrang galit. Matapang ito at parang diyablo sa pakikipagpatayan. Pero higit na mabilis na parang lintik ang binata na inspirado sa pagmamahal ni Gita.

Ulos dito. Ilag diyan. Taga sa tagiliran. Saksak sa likuran. Latang-lata si Limahong. Pawisang-pawisan ang binata. Sa huling ulos ay nasentruhan ng binata ang dibdib ng dayuhan. Lagapak sa batuhan ang gahaman. Nakita pala ng kanang kamay ni Limahong ang ginawang pagpapatumba sa kanilang lider. Isang grupong kabig ni Limahong na may matitipunong pangangatawan at higit na matatalim na sandata ang sumugod sa binata. Marami ring ulo ang tinagpas ng binata subalit isang matulis na sibat mula kay Gogol na kanang kamay ni Limahong ang itinarak sa kanyang dibdib. Bagsak siyang umiikot ang paningin.

Ang malakas na sigaw ng kamatayan ay dinig ni Gita sa mataas na burol na kinarororoonan. Binuo ng dalaga sa sarili na kailangang ipaghiganti niya ang mahal na kasintahan. Kahit na pinipigil ng mga damang alalay ay nagpumilit ang dalagang sumampa sa duyan, bumaba sa burol at makipaglaban sa mga ganid na kaaway. Sa bendisyon ng ama ng kasintahan at ng tunay na amang pinakamamahal ay nagkaroon ng dagdag na lakas si Gita. Nag-iibayo ang tapang ng dalaga sa tuwing maririnig niya ang malakas na tinig ng kasintahang malakas na sumisigaw na, “Sampa na Gita! Sampa na Gita! Sampa na Gita!”

Ang pagsampa ni Gita ay hindi na sa duyang naghahatid sa kaniya sa Lihim na Burol kundi sa mabikas na kabayong pandigmaang maghahatid sa kaniya sa umaatikabong labanan. Dala ang duguang sandata ng kasintahan, napagtagumpayang itaboy ni Gita ang mga dayuhan. Sa kasamaang palad ay tinamaan ang dalaga ng isang ligaw na sibat mula sa kampo ng tumatakas nang mga kaaway. Duguan siyang sumadsad sa maalikabok na daan. Bago siya pumanaw ay ipinakiusap niya kay Datu Dangal at kay Datu Tapang na sana ay ilibing silang magkasintahan sa Lihim na Burol na nag-uugnay sa dalawang barangay. Iginalang ng dalawang datu ang kahilingan. Sa halip na ipagluksa ang kamatayan ng magkasintahan ay ipinagdiwang ng lahat ang isang dakilang pag-iibigan.

Lumipas ang maraming taon. Takang-taka ang marami nang may tumubong halaman sa pinaglibingang Lihim na Burol. Ito ay may mapuputi at mababangong bulaklak. Sa dahilang tuwing gabi lalo na’t bilog ang buwan ay may tila bulong na hangin ng isang binatang umiibig na nagsasabing, “Sampa na Gita! Sampa na Gita.” Ang bulaklak na puting-puti sa kabusilakan ay tinawag na Sampagita bilang pagpupugay sa isang pagmamahalang nagniningning sa buhay man o sa kamatayan.

Iyan ang pinanggalingan ng alamat ng Sampagita.

Ikatlong Bersyon

Bantog ang nayon ng Sto. Cristo dahil sa magaganda nitong tanawin. Ang magkabilang kalsada nito na patungong bayan ay may nakahilerang puno. Malalabay ang mga sanga nito kaya nag-aabot sa gitna ng kalsada. Nagbibigay iyon ng malamig na lilim kaya gustong-gusto itong daanan ng mga manlalakbay.

Bukod sa malalim na kalsada ng Sto. Cristo at magagandang mga tanawin, isa pa sa mga ipinagmamalaki nito ay ang magaganda nitong dalaga. Namumukod sa mga dalagang ito si Elena. Tulad sa pangalan ay laging naiimbitahan bilang Maria Elena ang dalaga.Halos hindi na mabilang ang mga paanyayang tinatanggap ng dalaga upang maging tampok na kagandahan ng anumang pagtitipon. Ano pa at hindi rin mabilang ang mga. binatang naghahangad ng pag-ibig niya.

Sa kabila ng lahat, tila sarado ang pihikang puso ni Elena. Wala isa man siyang magustuhan sa rami ng mga manliligaw.Ang ibang mga binata ay nagpatulong sa kanilang mga magulang ang niligawan ang mga ito ay ang ama at ina ni Elena gayundin ang mga kapatid ng babae. Subalit bigo parin sila.

Kinausap ni Mang Anton at Aling Nina ang anak.

“Hindi sa ako ay nakikialam,” ani ni Mang Anton,”pero napansin kong hindi ka na bumabata.Wala ka pa rin bang napupusuan sa mga manliligaw mo?”

“Hayaan mo na lamang ako, ama.Kapag dumating ang sadyang lalaki para sa akin ay hindi ko pakakawalan,” pabirong sagot ni Elena.

Waring sinadya ng pagkakataon isang mangangaso ang napadpad sa Sto. Cristo. Naligaw ito at kina Elena nakapagtanong. Ang mangangaso ay si Roberto, isang taga-lungsod.

Niligawan ni Roberto si Elena. Tulad ng ipinangako sa ama, nang dumating ang lalaking iibigin ay hindi na nagpakipot si Elena. Sinagot agad niya si Roberto. Nang yayain siya ng kasal ng binata ay mabilis niyang tinanggap ang alok nito.

Maligayang-maligaya si Elena. Hindi niya inakala na saglit lang pala ang ligayang iyon. Dahil bago sumapit ang pag-iisang dibdib nila ni Roberto ay dumating ang isang babae at sinabing may pananagutan rito ang binata.Hindi nakapagkaila si Roberto ng kumprontahin ni Elena. Kahit ng humingi ito ng tawad ay naging matigas ang loob ng dalaga

“Isinusumpa kita!” ani Elena kay Roberto.

Mula noon ay nawalan ng kulay ang buhay ni Elena. Napuno siya ng hinagpis. Namatay siya sa lungkot na tanging inuusal ay ang salitang…”sumpa kita…sumpa kita…”

Kaya nang may tumubong halaman sa kanyang libingan ay namulaklak iyon ng ubod bango, hindi na rin nagdalawang isip ang ama’t ina niya na sumpa kita ang bulaklak, ang mga huling salitang binigkas ng anak bago sumakabilang buhay.

Lumipas ang panahon at ang mabangong bulaklak ay kinatuwaan ng marami. Ang salitang sumpa kita ay napalitan na rin at nang magtagal ay naging sampaguita. Dahil sa katangian nito at iwing kariktan, ang sampaguita ang naging pambansang bulaklak ng Pilipinas.

 

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento