Filipino » Maikling Kwento » Regalo sa Guro

Regalo sa Guro

Nalulungkot si Ben. Nang itanong ng ina kung ano ang dinaramdam niya ang kanyang sagot ay, "Kasi po ang mga kamag-aral ko ay may papasko para sa aming guro. Ako lang po ang wala."

Alam ng butihing ina na ang bagay na ito ay mahalaga sa anak dahil mahal nito ang kanyang guro. Sa palagay naman niya, mauunawaan ng guro na sila'y dukha, at sa totoo lang, alam naman niyang hindi naghihintay ang guro ng regalo kahit kanino.

"Halika, anak, at may ikukuwento, ako sa iyo. Kuwento ito ng manunulat na si Pablo Cuasay. Kapag narinig mo ay malalaman mo rin ang dapat mong gawin." At nagkuwento ang ina...

Dalawa na lamang araw at ipipinid na ang pinto ng paaralan dahil sa pasko. Sa paaralan ay may punong-kahoy na pamasko na puno ng palamuti at mga ilaw. Ito'y puno ng mga alaalang laan ng mga bata sa kanilang mga guro at kamag-aaral.

Ang lahat ay maligaya. Ang buong daigdig ay nadaramtan ng kaligayahan. Malapit nang isilang ang Mananakop. Ang lahat ay may ngiti sa labi - may awit sa papawirin.

Ngunit may kaawa-awang nilalang na nalulungkot. Siya'y si Nestor. Bakit? Ang lahat niyang kamag-aral ay may alaala sa pinakamamahal na guro subalit siya'y wala. Paanong di gayo'y si Nestor ay ulila sa ama at ang ina ay maralita. Ang ina'y walang kaya upang isunod sa kagustuhan ng kanyang bunsong anak.

"Inang," ang hikayat ni Nestor, "Ako lamang ang walang alaala kay Bb. Mirasol. Ang lahat - sina Ador, Florante, Ramon at Orlando - ang bawat isa sa kanila ay may pamasko sa aking guro. Ako ay bukod-tanging wala."

"Nestor," ang butihing ina ay sumagot, "makinig ka. Alam ng iyong guro na tayo'y dukha. Siya'y di naghihintay ng alaalang galing sa iyo. Huwag mong ikalungkot iyan. Talos kong si Bb. Mirasol ay nakauunawa sa ating kalagayan."

Si Nestor ay walang kibo. Maaga siyang nahiga ngunit hindi makatulog. Siya'y nag-iisip. Kung mayroon lamang siyang pagkakakitaan, kahit kaunting salapi upang ibili ng kanyang papasko! Katapusang araw na kinabukasan.

Si Nestor ay nag-isip nang nag-isip. May gumuhit sa kanyang gunita. Mayroon siyang naisip na maiaalay na alaala kay Bb. Mirasol. Ito kaya ay kasiya-siya? Magustuhan kaya ng kanyang guro?

Siya'y bumangon. Tinungo ang munting hapag sa silid at sa malamlam na ilawan ay isinulat sa malinis na papel ang kanyang papasko. Pinagbuti niya ang kanyang pagsulat, ulit-ulit na binasa at pagkatapos ay tiniklop at ipinaloob sa sobre. Sinarhan niya ito, ipinaloob sa isang aklat at nahigang muli. Mayroon na siyang alaala. Anong tuwa niya! At nakatulog siya ng mahimbing.

Kinaumagahan siya'y pinukaw ng ina, "Nestor, bangon na. Tatanghaliin ka sa pagpasok."

Si Nestor ay nagmamadaling nagbihis, kumain at tumungo sa paaralan. Hindi niya nalimutang dalhin ang kanyang papasko sa kanyang guro.

Sa lansangan ay gayon na lamang ang kanyang tuwa! Mayroon na siyang papasko! Ito kaya ay mabuting alaala? Iyan lamang ang kanyang nakaya at galing sa kanyang puso. Nang dumating siya sa silid-aralan ay kay-daming nga batang nanonood sa Christmas tree. Buong-ingat na ibinitin ni Nestor ang kanyang papasko sa guro.

Nakinig siya sa lahat ng bilang ng palatuntunan ngunit ang laging umuukilkil sa kanya ay ang tanong na, "Maibigan kaya ni Bb. Mirasol ang aking alaala?"

Ang katapusang bilang ng palatuntunan ay pamumudmod ni Santa Claus ng mga papasko. Sumasal ang puso ni Nestor nang katapusa'y ibinigay ni Santa ang sobre niya kay Bb. Mirasol. Tila kilala ni Bb. Mirasol ang kayang sulat. Tinitigan ang mga titik bago binuksan ang liham. Samantalang binabasa ang liham, si Nestor ay nagmamasid.

Matapos ang palatuntunan umalis na si Santa, pati lahat ng mag-aaral na nagpaalam kay Bb. Mirasol. Ang kahuli-huliha'y si Nestor na tinawag ng guro. "Nestor, pumarito ka. Ako'y may sasabihin sa iyo."

"Nakita mo ba kung gaano karami ang mga alaalang tinanggap ko? Ako'y galak na galak pagkat iya'y tagapagpakilala na ako'y minamahal ng aking mga tinuturuan. Sa pumpon ng mga alaala ay bukod at tangi ang iyo na pinakamahalaga sa lahat. Ang iyong alaala ay di pangkaraniwan. Iya'y nagbigay sa akin ng labis na kagalakan."

Namangha si Nestor, di yata't ang kanyang alaala ang pinakamahalaga sa lahat! Ito ang sabi ng kanyang guro. "Salamat po, at maligayang pasko." ang sabi ni Nestor bago siya umalis. Siya ay tuwang-tuwa.

Dahil sa labis na kaligayahan ni Bb. Mirasol, kanyang binasa muli ang liham.

"Minamahal kong Guro:

Inyo pong pakaasahang ako'y magpapakabuti. Susundin ko po ang inyong mga utos. Ako'y mag-aaral ng leksyon tuwina. Pagpipilitan ko pong ako ay maging pangunahing mag-aaral sa inyong klase. Ito pong pangakong ito ang papasko ko sa inyo.

Nagmamahal, Nestor"


"Ang ganda, Nanay, ng kuwento ninyo. Ngayon po ay alam ko na rin kung ano ang dapat
kong iregalo kay Bb. Padilla."

Tuwang-tuwa rin ang ina sa katalinuhan at kagalingan sa pag-unawa ng anak. Habang tinatanaw niya ang bata na naglalakad patungo sa paaralan, nagpapasalamat siya sa Maykapal sa pagkakaroon ng isang mabait at maunawaing anak.


Talakayin

comments powered by Disqus
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...