Filipino » Pabula (Fables) » Ang Langgam at ang Kalapati

Ang Langgam at ang Kalapati

Napagod sa kahahanap ng pagkain ang Langgam kaya naipasya niyang uminom sa batisan.


Sa pangingilid sa batuhan ay sinamang palad na madulas ang pobreng insekto na ikinalublob niya sa tubig. Pinagsikapan ng Langgam na makaahon pero sa lakas ng alon ay unti-unti siyang lumulubog.


Sa sobrang takot ay nagsisigaw siya at nagmakaawang tulungan sana ninuman.

Salamat at nakita siya ng isang lumilipad na Kalapati. Ibinukadkad ng ibon ang bagwis at dumapo sa pinakatuktok ng punong mangga. Tinuka-tuka nito ang sanga ng puno. Natuwa ito nang makitang nalaglag ang isang dahon sa mismong tubig na kinaroroonan ng insekto.


Dali-daling sumampa sa berdeng dahon ang takut na takot na Langgam. Malalim itong napabuntonghininga nang mailigtas nito ang sarili.


"Sa... salamat, kaibigang Kalapati. Tinatanaw kong malaking utang na loob ang tulong na bigay mo. Kung hindi sa kabutihang loob mo ay tiyak na patay na ako."


Ngumiti lang si Kalapati. Para sa kaniya tumulong lang siya sa Langgam na walang inaasahang ganting anuman.


Minsan ay napagod sa kahahakot ng pagkain ang Langgam. Ibinaba muna niya sa burol ang pasan-pasang bulto ng asukal. Natuwa siya nang matanawan sa di kalayuan ang isang talong inaagusan ng malinaw na tubig na naiinuman.


Lalong nangislap ang mga mata niya nang makita mula sa mabilis na paglipad ang paglapag ng Kalapating kaibigan.


"Makakasabay ko siya sa pag-inom. Itatanong ko sa kaniya kung hindi ba siya nalulula sa paglipad sa kalangitan. At kung umuulan, saan saan kaya siya sumisilong?"


Marami pa sanang bagay-bagay na iisa-isahing itanong si Langgam kay Kalapati nang mapamulagat ito sa takot. Kitang-kita niya sa harap ng puno ng mangga ang isang mangangasong nagbinit sa pana nito at umasinta sa walang kamalay-malay na Kalapating noon ay umiinom.


Mabilis na mabilis ang pagkakataon. Sa isang iglap ay matuling nagtatakbo ang Langgam sa kinaroroonan ng manunudla. Nang pakakawalan na ang tudla ay mariing kinagat ng 


Langgam ang paa ng mangangaso. Sa halip na tamaan ang inaasinta ay napaigtad ang manunudla at pumaitaas sa langit ang matulis na bala ng pana.


Aral:   Maliit ka man ay may malaki ka ring magagawa kung pag-iisipan.


Talakayin

comments powered by Disqus
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...